Ala-ala, magdadalawang buwan ang nakakalipas. Ito ay isang bukas na liham.
Ginang,
Payapa akong nakaupo sa bus paluwas ng Maynila. Maganda ang gising ko. Maaliwalas ang panahon. Gayak na gayak ako, medyo pormal ang pananamit para sa trabaho. Masaya akong nakikinig ng Table for Ten album ng Skabeche. Yep. Ska mode ako, happytuti nga e. Sumakay kayo ng anak mong lalaki, nasa 7 taong gulang ayon sa kalkulasyon ko. Kaparehas na bus na sinasakyan ko. Bakante sa likuran ko, kung saan kayo naupo. Walang problema. Naglagak pa nga kayo ng bag sa lalagyan sa ibabaw ng upuan ko. Wala ring problema. Di naman yun abala sakin. Isa pa, maganda nga ang gising ko e. Samakatuwid, nice-girl-mode ako. Ngingiti ngiti pa ako.
Ngunit naglaho ang mga ngiti ko nung biglang may tumulo sa ulo ko. Weh? May tagas ba sa bus?? Wala namang ulan sa labas ha. Panong tutulo? Di biro ang bumubuhos sa ulo ko. Basambasa ang buhok ko at blouse ko. Lumingon ako sa taas. Dahil ba sa aircon? Hindi. Sa compartment galing. Tumayo ako at sinubukang takpan yun ng kurtina. Bigla kang nagsalita. Sabi mo, “Ay, tumapon pala yung tubig ni ______ (pangalan ng anak mong di ko maalala sa inis ko)”.
Oo, yun lang ang sinabi mo. Di mo man lang ako tinulungan magtali ng kurtina. Di ko man lang narinig na humingi ka ng tawad. Pasalamat ka hindi ako mahilig sa drama, kundi magkakaroon ng eksena.
Ewan ko lang ha. Nakakainit ng ulo ang mga taong katulad mo. Nakakaperwisyo na sa kapwa, wala pa rin pakialam. Sakto ang tumutugtog sa tenga ko, “Good day”. Teka, good day nga ba? Good day pa ba ang pumasok ka sa opisina nang basa ang damit at kunot ang noo? Cool nga e.
Hay buhay.